Kaya mula ngayon…
Sobrang luma na ng kanta ng Sugarfree na Kwarto pero ngayon ko lang na-appreciate ang lyrics. Ubod ng dumi kasi ang kwarto ko nitong mga nakaraang araw. Syempre, dalawang linggo itong hindi nalinis nung nandon ako sa Japan. Tapos nung bumalik ako, napakadami kong kailangang habuling trabaho sa opisina na tumambak ng tumambak nung ako ay wala. Kaya ayun, gabi-gabi akong umuuwi sa maduming kwarto hanggang sa hindi ko na matiis at kinailangan ko nang maglinis.
Pero hindi tungkol sa literal na kalat at alikabok ang blog entry na ito. Naging trigger lang ang pinakahuling karanasan ko sa muling pagkakamulat ng aking mga mata sa bagong kamalayan. Ang entry na ito ay tungkol sa paglilinis ng mga dumi sa buhay. Ito ay tungkol sa pagsasa-ayos ng lahat ng bagay na gumugulo sa aking mundo. Ito ay tungkol sa pagtatapon ng mga "bagay na hindi ko na kailangan." Ito ay tungkol sa bagong simula.
Minsan sa ating buhay, pinipilit nating kumapit sa mga tao, bagay, at alaala kahit na ito ay nagdudulot ng labis na sakit sa atin. Ngunit tulad ng sumulat ng kantang Kwarto, sa aking pagmumuni-muni ay naisip kong hindi ko naman kailangang mag-dusa. May kapasidad naman ako para mag-linis ng dumi. Kaya ko namang mag-linis ng kalat. Mahirap, nakakaiyak, nakakapagod…hindi madaling isipin kung dapat mo bang itabi o ilagay sa basurahan ang mga bagay na nagdadala ng maraming alaala pero nagdudulot naman sa iyo ng sakit sa tuwing ang mga ito ay masusulyapan o mahahawakan mo.
" Mga lihim ng nilhim kong pag-ibig at litrato ng kahapong maligalig. Dahan-dahan kong inipon. Ngunit ngayon, kailangan ng itapon."
Dati, pati petals ng bulaklak na pinitas lang mula sa kung saan at binigay sa akin bilang biro ay itinatabi ko pa sa isang espesyal na lalagyan. Mga readings na hindi ko naman binasa kahit kailan. Mga lumang notebooks. Mga naninilaw na sulat. Mga nanlalabong litrato.
May mga resibo ng kung ano-ano. Niluhaang panyo. Isinulat na tula. May mga lalagyan ng yosi. May mga flaps mula sa bote ng beer. Iba’t-ibang bagay na noon ay punong-puno ng kahulugan, pero ngayon iniisip ko, ano na nga ba ang halaga nila sa akin?
Wala.
Wala na silang ibig sabihin kundi kalat. Basura. At ang kalat at basura ay hindi na dapat itinatabi pa. Sumisikip lang ang aparador ko dahil sa kanila. Kinakain pa ng mga ito ang espasyo para sa mga bagong bagay na maaaring mas may gamit sa kasalukuyan kong kalagayan at sa hinaharap.
Ang itinira ko lang ay ang mga lumang diaries ko. Mayroon akong mahigit sa lima. Punong-puno ang mga ito—"cover to cover" ang nasulatan. Pero may mga ilang mga pahina na hindi ko na kayang basahin muli. Matindi-tinding kilabot (at minsan, pandidiri!) ang hatid ng mga lumang kwentong naka-saad sa mga iyon.
Minsan siguro talaga, darating ka na lang sa punto na ayaw mo na lang maalala. Kung ang kalayaan mula sa hapdi ng kahapon ay nangangahulugan din ng pamamaalam sa masayang nakaraan–hindi bale na. Kaya ko na at handa na ako.
Hala! Tapon dito, tapon doon!
Panahon na para tigilan ang walang kaabog-abog na pagbunghalit ng iyak tuwing malalasing. O kapag nag-iisa.
" ‘Di ko na kayang mabuhay sa kahapon. Kaya mula ngayon…mula ngayon… "
Haaayyyy…grabe na itong blog mo na ito. Tagalog kung tagalog! Alam mo ba na hanggang ngayon marami pa rin akong kalat sa kwarto ko sa Antipolo? Mga kalat nung ako ay dalaga pa…gusto ko na din yatang itapon…
Anne — April 4, 2006 @ 3:41 am
panalo to: Panahon na para tigilan ang walang kaabog-abog na pagbunghalit ng iyak tuwing malalasing.
buti na lang ako, napilitan akong mag-tapon dati kasi kinailangang lumipat ng bahay. kaya matagal ko na ring naitapon ang mga sangkatutak na anik-anik na may sentimental value kuno. may basura pa rin sa kuwarto ko, hindi dahil gusto kong kumapit sa nakaraan, kundi dahil wala lang panahon mag-general cleaning. hehe. pag naglinis kasi ako, buong araw talaga dahil lahat ng mga itatapon ko, binabasa ko pa. haha. nakaka-relieve ng stress kase. tapos ang sarap matulog.
Sunshine — April 4, 2006 @ 5:15 am
Anne: Ibubulong ko na lang sa iyo ang sagot sa comment mo. Hahaha.
Shiney: Good point. Alam mo, totoo yan. Ang sarap basahin ng mga lumang files, kahit alam mong di mo na naman sila kailangan…
Che — April 4, 2006 @ 11:32 pm