Vignette: Manong Taxi
Hindi ko pa yata naranasan sa tanang buhay ko ang magalit ng ganon ka-grabe.
Gigil
na gigil ako sa’yo, gusto kong ibato sa’yo lahat ng condiments sa
lamesa, lahat ng bote ng beer, mga kubyertos, plato (lalo na yung hot
plate na pinaglagyan ng pulutan!), tissue holder…Lahat ng tamaan ng
mata ko, gusto kong ihagis sa’yo para itikom mo na ang bibig mo at
tumigil ka na sa kakasalita.
Kwento ka ng kwento tungkol sa bagong babae mo, eh katabi mo lang ako!
"Wag ka ngang papa-halatang apektado ka! Para kang tanga!"
sabi ng isang kaibigang lalakeng nakakaalam ng storya nating dalawa.
Kinorner at kinomfort din ako ng asawa ni Kaibigang Lalake sa CR, kung
saan nagkanda-iyak-iyak ako sa panggagalaiti sa’yo.
"Tangina nya, ano bang problema nya?!"
Hindi ko matangggap na napaka-kapal ng mukha mong magkwento tungkol sa
iyong ‘hapless search for true love’ in my presence. At katabi mo pa
ako. Hindi ko matanggap na napaka-kapal ng mukha mong magparinig–oo,
nagpaparinig ka! Gusto mo lang malaman ang reaksyon ko sa mga sinasabi
mo. The fact na sinasadya mong manakit just so you can feel better about yourself ang pinaka hindi ko matanggap sa lahat. At yun din ang pinaka-masakit.
2 taon na akong hindi humihipo ng sigarilyo bago kita nakilala.
2 buwan matapos nun, chain smoker na ako ulit.
Inutusan
ko ang PA na kuhanin sa waiter ang bill. Tiningnan ko kung magkano ang
kailangan kong i-share. Alam kong sobra-sobra ang naibayad ko, pero
kaso ayaw ng maghintay ng mga luha ko sa sukli.
Huling hithit sa yosi. Sinubsob sa ash tray. Kuha ng bag. Kaway sa mga kasama sa lamesa. "Uuwi ka na?!" gulat na gulat na tanong nila. Hindi na ako sumagot. Bumaba ako sa kubo, lumabas ng bar at pumara ng taxi.
Napansin ko pang humahabol ang 2 pang kaibigang boys. Pero hindi nila nakitang nakasakay na ako.
Hindi
pa man nakalalayo ang taxi, ngumawa na ako ng husto. Nakakaiyak pa lalo ang tugtog ng driver na naka-tune-in yata sa Love Radio (o
baka Yes FM. O Energy FM. Ah, ewan. Magkaka-tunog lang naman ang mga
yun).
Mahigit dalawampung minuto ang drive mula Quezon City
hanggang Pasig. Nasa C5 na ako, hindi pa rin ako tumitigil. At hindi
ito silent crying. Ito ay may sound. May hikbi. Literal na "Hu-hu-hu."
Ilang beses sumilip sa rearview mirror si Manong Taxi.
Hindi na sya naka-tiis.
"O…baket umiiyak?"
Hindi ako sumagot.
"Nakita ko mukha ngang gago sya eh."
Hindi ko naman masabi kay manong na hindi naman si Tarantado ang nakita nyang nakasunod sa akin bago ako sumakay sa taxi nya.
"Gago po talaga sya!" Sabay singhot. Sabay hikbi. Tuloy pa rin ang Hu-hu-hu.
Iiling-iling si Manong Taxi.
"Hindi iniiyakan ang ganong lalake."
Nagpasalamat ako at iniabot sa kanya ang bayad. Pumasok ako ng apartment, humiga sa sofa at umiyak ulit.
Halos 2 buwan na naging refuge ko ang sofa na ito.
Hindi
ako natutulog sa kwarto kasi dinaig pa nito ang Smokey Mountain sa
sobrang dumi. At ayaw ko ring linisin. Ganon pala ang tunay na
depression. Wala akong ganang gumawa ng kahit ano. Wala akong lakas
gumawa ng kahit ano. Lahat nakakatamad. Lahat nakakapagod.
Hindi
madali at hindi mabilis ang proseso ng pagpapagaling. Pero may
katapusan din ito. Mahalaga lang ang prosesong ito para malaman at
maintindihan ko kung ano ang meron ako. At kung ano ang kaya kong
mawala sa akin.
Nakita ko rin na hindi ako pinapabayaan.
Ngayon,
alam ko na. Na kahit may mga nakasakit sa akin, may mga bagong taong
dadating. May mga bagong characters na mai-introduce sa storya.
Hanggang sa hindi ko namamalayan na okey na pala ‘ko.
Okey na okey na pala ‘ko.
Tama si Manong Taxi. Hindi ka nga dapat iniiyakan.